|
Telebisyon: Paghihiwalay sa Antas ng Lipunan
Ni Bernard Borromeo
Isa sa pinakaskikat na paraan sa pakikipagtalastasan ang telebisyon. Halos naging isang pangangaliangan ito sa mga tahanan. Sa paggamit nito, madaling napapdala ang impormasyon sa publiko. Madaling naipapahayag ng telebisyon ang mga bagong balita. Napapanood nating live o sa parehong oras ang mga pangyayari tulad ng mga State of the Nation Address, debate ng mga presidente o ibang candidato, at pati na rin ang mga labanan sa sports. Nagiging isang anyo ng aliwan at libangan ang pagnood ng telebisyon. Nakakapanood ang mga tao ng mga pelikula, telserye, at mga nakakatuwang gameshows. Maaring makuha mula sa telebisyon - cable man o lokal ang lahat ng impormasyong ito. May pagkakaiba nga lang sa napapanood mula sa cable television at local television. Ano nga ba ang pinagkaiba ng dalawang ito?
Unang tatalakayin ang lokal na telebisyon. Libre ito ngunit kailangan pa ng antenna , isang bagay na kumukuha ng senyales, na maayos ang pagkakalagay upang makakuha ng malinaw na signal. Dahil libre ito, mapapanood ng kahit sino ang mga stasyon dito. Gawang Pilipino ang mga istasyon na napapanood dito tulad ng ABS-CBN at GMA. Dahil gawang Pilipino, nakabatay ang mga palabas nito sa kulturang Pilipino. Ang masa ang pangunahing manonood na tinututukan nito. Tagalog ang pangunahing lengguwahe na ginagamit dito. Mga Pilipinong artista naman ang madalas na pinapakita. Puro lokal na soap opera at pelikula ang pinapalabas dito. Nagpapalabas din ng mga afternoon gameshows ang karamihan sa mga istasyon ng lokal na telebisyon. Makakapanood din ng mga cartoons tuwing umaga ng sabado at linggo, kapag walang pasok ang kabataan. Lokal na balita rin ang pinapalabas sa lokal na telebisyon. Kung papansinin, konserbatibo ang mga mga ipinapalabas nito. Karaniwang binubuo ng gawang Pilipino na palabas na nagpapakita ng kulturang Pilipino ang lokal na telebisyon.
Ang cable television naman, di tulad ng lokal na telebisyon, at hindi libre at binabayaraan bawat buwan. Ayon sa Sky Cable, P780 sa isang buwan ang sinisinigil ng kanilang Silver na package. Higit na malinaw rin ang signal dahil kable ang ginagamit at hindi na de-antenna. Maraming istasyon ang meron ng cable TV. Iba-iba pa ang mga kategorya ng bawat istasyon. Mayroong mga istasyon para sa laro, balita, pambatang palabas, pelikula, agham, musika at iba pa. Hindi tulad ng lokal na telebisyon, kung saan ang masa ang hinihikayat, hindi kulturang Pilipino ang pokus dito. Halos Kanluranin ang kulturang ipinapahayag. Ingles ang pangunahinig wikang ginagamit. Mga palabas mula ibang bansa ang karamihang ipinapalabas sa mga istasyon dito. Dayuhang mga artista rin ang ipinapalabas dito. Mga teleserye mula sa ibang bansa ang lahat ng ipinapalabas tulad ng F.R.I.E.N.D.S. Dayuhin din ang mga sports at gameshow tulad ng soccer mula Europa at “The Price is Right”. ‘Di tulad ng kulturang Pilipino, hindi konserbatibo ang mga palabas dito. Hindi bihira makakita ng mga eksenang seksi o napakamarahas. Masasabing hindi Pilipino ang ipinapalabas sa cable television.
Sa lokal at cable na telebisyon, kitang-kita ang pagkakaiba ng antas ng lipunan. Mababase ito sa nagiging target na manonood ng dalawang ito. Pangmasa ang lokal na telebisyon; pang mayaman naman ang cable na telebisyon, (sa kaso rito, ang mga taong maykayang magbayad ng cable). Naipaparating na higit na mataas ang katangian ng mga nanood ng cable TV dahil tila pribiliheyo ang pagnood ng mga ito.
Maliban sa paghihiwalay ng telebisyon sa masa at mayayaman, naipapakita rin ng lokal na telebisyon at cable na telebisyon ang pagtaas ng tingin sa mga gawa ng dayuhan. Naipaparating na higit na maganda at higit na mataas ang katangian ng mga istasyon ng cable TV at sumusunod lamang ang gawang Pilipino. Patunay rito ang pagiging libre ng lokal na telebisyon at pagkakaroon ng bayad upang makapanood ang cable na telebisyon. Ang may kaya lamang ang maaring makapanood ng mga palabas mula ibang bansa. Isang pribiliheyo ang pagnood ng mga ito. Bumababa rin ang kalidad ng mga gawang Pinoy dahil panmasa lamang ito.
Parehong nagpapadala ng impormasyon ang cable TV at local TV. Pakikipagtalastasan ang pangunahing layunin nito. Ngunit may higit na malalim na ginagawa ang dalawang ito. Ipinapakita ng telebisyon ang antas sa lipunan. Kahit hindi tuwiran, naangat at naibaba ang mga may kaya at ang masa pati na rin ang gawang dayuhan at ang mga palabas mula Pilipinas.
|
Mula sa isa sa mga manunulat ng buksan noong 06:37 PM
|
Magic Formula ng Commercials
Ni Abbey Manliclic
Kapag nanonood ng mahigit-kumulang isang oras ng programa sa telebisyon, halos dalawampu’t-limang minuto ang mga patalastas. Minsan mapapansin rin na tila puro patalastas na lamang kalahati ng palabas. May mga katulad ng “wais” na patalastas ng Surf tungkol kay Lumen at and kanyang byenan na kahit napakatagal na naaalala pa rin. Mayroon ding mga hindi epektibong patalastas na madaling nakakalimutan. Hindi man kapansin-pansin, tumutulong sa paghubog ng lipunan ang mga patalastas na ito o commercials sa Ingles.
Sa pananaw ng mga mamimili, dapat magbigay ng impormasyon tungkol sa produkto ang mga patalastas. Sa kabilang banda, isang paraan upang kumita ng pera at akitin ang mga manonood na bilhin ang kanilang produkto para sa mga kompanya ang mga patalastas.
Ginagamit rin sa mga patalastas ng mga tanyag na aktor. isa rin itong paraan ng pag-akit ng mga manonood. Una sa lahat, siguradong makukuha ang atensyon ng mga manonood kapag ang idolo nila ang pinapakita sa telebisyon. Sa paggamit ng mga sikat na aktor para sa patalastas, iniisip ng mga kumpanya na bibilhin ng fans ng mga artistang ito ang kanilang produkto. Hinahangaan ng marami ang mga artista sa telebisyon. Nagiging idolo sila ng marami at ninanais maging katulad balang araw. Kaya’t napakaepektibo ng pagkuha ng mga teen idols at popular na aktor sa mga patalastas. Gugustuhin ng mga tao na bilhin ang produktong ginagamit ng kanilang mga modelo, iisiping “baling-araw magkakaron ako ng buhok tulad kay Kim Chiu” o kaya “kapag ginamit ko ‘to, magiging heartthrob ako katulad ni Gerald Anderson”.
Hindi maikakaila na kadalasan, sobra at hindi na makatotohanan ang pinapakita sa mga patalastas. Kung titignan mga patalastas ng shampoo, pinapakita ang napakalambot at kintab na buhok. Hindi kapanipaniwala na may buhok na mag-isang kumikinang. Sa patalastas naman ng sabong panlaba, namumuti na ang damit sa konting babad lang. Nakakatawang isipin na may kani-kanilang magic pagdating sa mga patalastas. Hindi na ito pinibigyan ng masyadong atensyon sapagkat nasanay na rin ang mga manonood dito. Ngunit nagiging epekto rin nito ang pagkakaron ng imahe ng ideyal na pagtingin sa mga modelo na pinapakita sa TV. Halibawa, may diretso at mahabang Sunsilk na buhok ang maganda, kasing-puti ng mga papaya soap commercial models, may ngiting Colgate. Hinuhubog nito ang lipunan na magkaroon ng imahe ng ideyal na itsura o imahe ng “maganda”.
Hindi laging maganda ang epekto nito sa mga manonood. Dahil sa larawang naitatak sa kanilang isipan, nakikita ng iba na hindi kanais-nais ang kulot na buhok kaya’t nagpapa-rebond o diretso sila ng buhok. Mayroong ibang pilit na nagpapaputi sa paniniwalang ito ang paraan upang matanggap ng lipunan. Ngunit, hindi ito ang dapat na nangyayari at nagiging epekto ng mga patalastas.
Hindi ba ang pagbibigay ng katotohanan tungkol sa kanila produkto ang gampanin ng mga patalastas? Imbis na gumamit ng magic o pambobolo sa mga patalastas higit na maganda kung maging makatotohanan na lamang sa impomasyong ipinapakita sa telebisyon. Isa pa, ang impluwensiya ng patalastas sa mabuting paraan. Halibawa, maaaring gamitin ito upang pagpakita ng mga mabuting asal tulad ng paggiging mapagbigay na ipinakita sa patalastas ng Coke. Isa pang halimbawa ang patalastas ng Maggie na humikayat ng mga batang kumain ng gulay. Sa maraming paraan hinuhubog ng mga imahe sa patalastas ang ating lipunan. Binibigyan ang mga mamamayan ng larawan ng ideyal na indibidual sa lipunan at iba pang mga impluwensya. Ngunit, sa tama at responsableng paggamit ng patalastas, kayang matulungan at mapagiwanan ng aral ng mga patalastas ang lipunan.
|
Mula sa isa sa mga manunulat ng buksan noong 07:19 AM
|
Child Stars: Showbiz sa Murang Edad
Ni Abbey Manliclic
“Nge!” – Ang sikat na catchphrase mula sa Ang TV. Ang TV ang palabas sa ABS CBN kung saan maraming sumikat na child stars katulad nila Angelica Panganiban, Patrick Garcia, Carlo Aquino, magkapatid na John at Camille Prats, Rica at Paula Peralejo at marami pang kabataan na mula sa Generation Y. Hindi aktibo sa showbiz o sa pag-aartista ang lahat ng mga artistang ito. May ibang naglaho at nagkaroon na ng kanya-kanyang buhay. Asan na nga ba ang mga child stars noon?

Paula Peralejo
Huminto sa pag-aartista upang pagtuonang-pansin ang kanyang pag-aaral. Noong 2008, nagtapos siya sa kursong B.A. Philosophy, Minor in Tourism sa UP at bilang isang magna cum laude. Kung si Paula inuna ang pag-aaral, iba naman ang pagtingin ng kanyang kapatid noon.1
 
Rica Peralejo
Nagsimula maging artista si Rica noong 12 taong gulang kasama ang kanyang kapatid sa Ang TV. Hindi siya nagkaroon ng pormal na pag-aaral noong pumasok sa showbiz. Pinili niyang pagtuonang pansin ang trabaho kaysa sa pagpuntang kolehiyo. Ngunit, nag-iba ang pananaw ni Rica makailan lamang. Sa 26 na taong gulang, bumalik siya sa pag-aaral bilang Creative Writing student sa Ateneo de Manila University dahil naisip niya na hindi habang buhay ang kasikatan.2 “Yung hirap, hindi nawawala 'yan. Pero yung joy niya sa akin, it's worth it in whatever hirap na nadadaanan ko. Sobrang saya! I never thought sa age ko na ito, makakabalik pa ako sa eskuwelahan. Ang sarap ng feling na normal kang tao!”3
 
Marvin Agustin
Kahanga-hanga rin ang isa pang child star na si Marvin Agustin. Nakilala sa kanyang paglabas sa ASAP at sa pagiging ka-loveteam ni Jolina Magdangal. Ngayon, nagmamay-ari siya ng siyam na tanyag na kainan sa Metro Manila4. Kasabay ng pagtatakbo ng kanyang kompanya, ang kanyang pag-aartista sa GMA7. Hindi lang siya naging matagumpay sa larangan ng showbiz – pagkapanalo ng pitong gantimpala sa pag-arte5 – kundi pati na rin sa industriyang pangnegosyo.
 
Maxene Magalona
Isa sa mga child stars sa “Ang TV” si Maxene. Ngunit, pag-aaral ang kanyang naging pinakamahalagang binigyan ng pansin. Hindi nakapagtapos ng pag-aaral ang kanyang mga magulang na sina Francis Magalona at Pia Magalona. Ngunit, para sa kanya, napakaimportante ng edukasyon, "Education is very important kasi 'yong showbiz career, hindi naman 'yan forever. Kailangan mayroon ring fallback na puwede mong gamitin in the real world. Siyempre hindi ka naman forever sikat, hindi ka naman forever magkakaroon ng projects. So kailangan mayroon ka rin magamit to earn a living in the future." Nakapagtapos si Maxene sa Ateneo de Manila at ngayon, bumalik na sa pagiging artista.6

Isko Moreno (Francisco Domagoso)
Mula sa higit na matandang henerasyon si Francisco Domagoso o higit na kilala sa pangalang Isko Moreno sa telebisyon. Isang child star mula sa That’s Entertainment ng GMA7 kasama si Piolo Pascual, Sheryl Cruz at iba pang mga kabataang artista noon. Hindi nakatapos ng pag-aaral si Isko dahil sa kahirapan at pagbigay-halaga sa pagtrabaho. Ngunit, kahit hayskul lang ang natapos niya, tumabo at nanalo siya ng konsehal sa unang distrito ng Maynila noong 19986. Nang lumaon, nakatapos siya ng kolehiyo sa kursong Public Administration at ngayon kasalukuyang nag-aaral ng abugasya sa Arellano University.7
 
Mark Anthony Fernandez
Nagsimula sa showbiz si Mark Anthony Fernandez bilang isa sa mga Guwapings sa labin-dalawang taong gulang. Sa 16 taong gulang, naging kandidato siya bilang Best Actor at Best Supporting Actor. Naging matagumpay ang kanyang karir hanggang sa susunod na taon kung kailan nasampahan siya ng kaso (assault) at nagsimula ang kanyang pagbagsak8. Mula noon, nalulon si Mark Anthony sa droga. Dalawang taon siya noon pabalik-balik sa rehabilitation center.9
 
Jiro Manio
Child star na kilala sa pagganap na bida sa “Magnifico” kung saan nagwagi siya bilang Best Actor, Gaward Urian at Best Child Actor sa Filipino Academy of Movie Arts and Sciences (FAMAS) Award10. Pitung-taong gulang pa lamang siya ng magsimula maging artista. Ngayon, sa kanyang ika-sampung taon sa industriya, mayroong mga lumalabas na balita tungkol sa pinaghihinalaang paggamit niya ng iligal na droga11. Dahil dito at dahil sa hindi kayang gampanan angkanyang responsibilidad, inalisan siya ng ABS CBN ng kontrata sa Star Magic12.
 
Anne Curtis
Nagsimula maging artista si Anne Curtis noong labing-isang taong gulang. Huminto siya ng pag-aaral pagkatapos ng mataas na paaralan upang higit na bigyang pansin ang kanyang pag-aartista. “Right now, I so have a job, I don’t want to go back to school yet. I’ll focus on this first, because going back to school means finding a job afterwards” ang kanyang sinabi tungkol dito.13
Dahil sa kahirapang maghanap ng trabaho, hindi mapabayaan ng ibang mga artista ang pagkakataon sa showbiz, kahit na nakakasagabal ito sa kanilang edukasyon. Masasabing napakasipag ang mga artistang ito dahil sa murang edad nagsisikap na sila upang kumita ng pera at gumaling sa larangan na ito. Ayon kay Anne Curtis, kahit hindi sila nag-aaral ng pormal na edukasyon, marami pa rin silang natututunan sa kanilang trabaho: “People think that it’s a no-brainer profession. In truth it’s a learning experience. It teaches you a lot of grown-up stuff, you wouldn’t learn in school. …We might not gain the regular education other kids acquire form going to school and reading books--- but we learn about life”
Sa maagang pagsikat, hindi maiiwasan na hindi tipikal ang paglaki ng mga batang artista. Trabaho ang pagiging artista kaya’t maagang tumatanda ang mga child stars at maagang nauunawaan ang kanilang responsibilidad. Sa kabilang dako, nagiging bukas sila sa mga mabibigat na isyung pangmatanda – paggamit ng droga, sex at iba pa – na hindi nila maunawaan sa murang edad. Dahil dito, maaaring magkaron ng negatibong epekto sa kanilang pagtanda. Dahil sa maagang pagsabak sa ganitong industriya, marami rin ang naiimpluwensya ng masamang bisyo. Ayon sa artikulong “Pros and Cons of Being a Child Actor”:
The entertainment industry is filled with adults, just like any other business, and this means that a child actor may be prematurely introduced to drugs, alcohol, and sex. But that is not the only part of the environment that is risky. The film and television business is rough on every aspiring actor, so child actors may find the heat of competition and the cycle of auditions and rejections unbearable. It takes a strong, determined child to pursue acting!14
Dahil dito, masasabing delikado ang industriya ng showbiz. Kahangahanga ang tibay ng loob ng mga child stars at ang kanilang sipag at tiyaga. Ngunit, sa parehong dahilan, nagbibigyang diin ang kahalagahan ng edukasyon. Importante ang edukasyon lalo na sa mga child stars upang malaman nila ang epekto ng mga bisyong ito. Sa pagpasok sa paaralan, magkaroon sila ng pagkakataon na magkaroon ng kaibigan sa parehong edad. Hindi maiiwasan ang paghalubilo sa maling grupo, ngunit sa tamang edukasyon mabubuo sa kanila ang tamang paghusga ng tama o mali.
Sa hirap ng pinagdadaanang ng mga child star kahangahanga ang kanilang tibay, sipag at tiyaga. Subalit, kakailanganin nilang magkaroon ng college degree upang magkaroon ng trabaho sa ibang larangan dahil hindi habang-buhay ang kasikatan. Tiyak na higit na dadami ang panahon at trabaho kapag may edukasyon ang isang tao – maging showbiz man o hindi.
____________________________________________
1. Rose Garcia, "Former young actress Paula Peralejo graduates magna cum laude in UP," Philippine Entertainment Portal (26 March 2010): http://www.pep.ph/news/17278/Former-young-actress-Paula-Peralejo-graduates-magna-cum-laude-in-UP (accessed March, 20 2010).
2. Melba Llanera, "Rica Peralejo describes her new non-showbiz boyfriend as 'a man of God'," Telebisyon.net (27 November 2008): http://telebisyon.net/balita/Rica-Peralejo-describes-her-new-nonshowbiz-boyfriend-as-a-man-of-God/artikulo/39511/ (accessed March, 20 2010).
3. "Actress Rica Peralejo goes back to school," Good News Pilipinas (13 June 2007): http://goodnewspilipinas.com/?p=981/ (accessed March, 20 2010).
4. Walden Saridi, "Marvin Agustin is having the best year!," Manila
Bulletin Publishing Corporation (13 March 2010):
http://www.mb.com.ph/articles/247530/marvin-agustin-having-best-year
(accessed March 20, 2010).
5. "Marvin Agustin," Wikipedia; available from http://en.wikipedia.org/wiki/Marvin_Agustin (accessed March 20, 2010).
6. "Isang Pananaliksik Tungkol sa Mga Artistang Nakatapos at Hindi Nakatapos ng Pag-aaral," (8 March 2009): http://mananaliksikng1cpm.xanga.com/695002649/isang-pananaliksik-tungkol sa-mga-artistang-nakatapos-at-hindi-nakatapos-ng-pag-aaral/ (accessed March 20, 2010).
7. "Isko Moreno," Wikipedia; available from http://en.wikipedia.org/wiki/Francisco_Domagoso (accessed March 20, 2010).
8. "Mark
Anthony Fernandez," Wikipedia; available from
http://en.wikipedia.org/wiki/Mark_Anthony_Fernandez (accessed March 20,
2010).
9. Mario Bautista, "Mark Anthony Fernandez: Promises are meant to be kept, not broken," Manila Standard, 1 June 2000, 22.
10. "Jiro Manio," Wikipedia; available from http://en.wikipedia.org/wiki/Jiro_Manio (accessed March 20, 2010).
11. Rommel Placente, "Jiro Manio nagpaliwanag sa isyu ng
pagda-drugs," Telebisyon.net (6 November 2007):
http://telebisyon.net/balita/Jiro-Manio-nagpaliwanag-sa-isyu-ng-pagdadrugs/artikulo/8498/
(accessed March 20, 2010).
12. "Jiro Manio dropped from Star Magic's rolls," abs-cbnNEWS.com (12 June 2001): http://www.abs-cbnnews.com/entertainment/06/12/09/jiro-manio-dropped-star-magics-rolls (accessed March, 20 2010).
13. "Isang Pananaliksik Tungkol sa Mga Artistang Nakatapos at Hindi
Nakatapos ng Pag-aaral," (8 March 2009):
http://mananaliksikng1cpm.xanga.com/695002649/isang-pananaliksik-tungkol
sa-mga-artistang-nakatapos-at-hindi-nakatapos-ng-pag-aaral/ (accessed March 20, 2010).
14. "Pros and Cons of Being a Child Actor," Professor's House, n.d.:
http://www.professorshouse.com/family/children/being-a-child-actor.aspx
(accessed March, 20 2010).
|
Mula sa isa sa mga manunulat ng buksan noong 07:02 AM
|
Telebisyon: Ang Tulay Sa Pagiging Aktor at Politiko
Ni Jouela Tomas
Malaking papel ang ginagampanan ng telebisyon sa lipunan. Mula sa telebisyon, nakapaghahatid ng mensahe ang iba’t ibang tao sa masa sa pamamagitan ng palabas, patalastas, pati na rin mga music video. Sa mga palabas, patalastas, at music video, hindi lamang mensahe ang naihahatid nila kundi pati na rin ang personalidad, mukha at pangalan ng sinumang bida sa bawat midyum na ito. Marami ang nakikinabang sa telebisyon, ngunit ang nag-bebenepisyo talaga nang lubusan ay ang mga artista at politiko. Ang telebisyon kasi ang isa sa pinakamabisang paraan upang makilala ng mga manonood ang mga artista at politiko.
Malaki ang naitutulong ng telebisyon sa propesyon ng mga artista. Napipili sila bilang endorser ng sari-saring produkto o kaya naman bida sa mga palabas at pelikula, at mula sa mga komersyal at palabas na ito, mas nakikilala sila ng mga manonood. Nakadaragdag ito sa sinasabing “profile” ng mga artista. Kung marami silang endorsement o kaya palabas, nasisiguro nila na hindi lamang sila makikilala ngunit matatandaan din ng taong-bayan. Sa kanilang mga patalastas, hindi lamang ang mukha at pangalan ang ibinubunyag nila sa atin. Kasama na rin sa kanilang isinisiwalat ang katauhan at personalidad nila. Nakasalalay sa mga papel na ginagampanan ng artista sa pelikula at programang pantelebisyon ang uri ng imahen nila na naiuukit sa isip ng mga manonood. Kung mabuti o kahanga-hangang tauhan ang ginagampanan nila sa kanilang mga proyekto, napapaniwala tayo na ito nga ang tunay nilang katangian. Madalas, karamihan sa atin ay nadadala sa mga nakikita nating papel na ginagampanan nila. Nagiging masama ang tingin natin sa mga artista na kadalasang gumanap bilang kontrabida. Sa kabilang dako naman, tingin nati’y mabubuti talagang tao ang mga artistang gumaganap bilang mabait na bida sa mga palabas nila. Dahil ganito na lamang kaganda ang imaheng nabubuo ng ilang artista, napagsasamantalahan nila ang imaheng ito na nakatatak na sa isipan ng tao lalo na kung tatakbo sila sa politika.
Malaki ang pagkakataon ng mga artistang gustong pumasok sa pulitika na matandaan at makilala ng mga manonood lalo na kung madalas silang ipinalalabas sa telebisyon at kung maganda ang reputasyon nila. Nananatili sa isipan ng mga tao ang mga artistang madalas makita sa telebisyon at may magandang pagbunyag ng sarili. Kahigtan ito para sa artista sapagkat kapag dumating na ang eleksyon, malaki ang kanilang pagkakataon upang mahalal sapagkat kilala sila ng taong bayan.
Masasabing mapanlinlang ang taktikang ito sapagkat marami rin ang nagsasabing dinadaan lamang ng mga artista sa popularidad at hindi sa tunay nilang kakayahan ang pagiging politiko. May mga artistang naihahalal sa posisyon dahil sa magandang imahen na naipapakita nila sa telebisyon at hindi dahil sa karanasan o kaalaman sa pagiging politiko. Anuman ang dahilan ng kanilang pagkakaluklok sa posisyon, siguradong may kinalaman at isa pa rin sa mga salik ng kanilang pagkapanalo sa halalan ang kanilang katanyagan sa telebisyon.
Malaki rin ang naitutulong ng telebisyon hindi lamang sa mga artistang pumapasok sa politka ngunit pati na rin sa mga politikong tumatakbo sa halalan. Para sa mga politikong kumakandidato, nakatutulong ang telebisyon upang makamit nila ang hinahangad nilang popularidad sa taong-bayan. Bawat patalastas nila ay paalala sa manonood at botante na may naitulong at maitutulong sila sa bayan. May sari-sariling paraan ang bawat politiko upang mapanatili ang mukha at pangalan nila sa isipan ng taong-bayan at ang pinakamabisang paraan ay sa pamamagitan ng telebisyon.
Maging artista man o politiko, telebisyon pa rin ang midyum na nakapagtatawid ng nais nilang ipahatid sa masa. Pagiging sikat, paglilinis ng pangalan at pag-aabot sa tao upang makamtan ang hinahangad nila ay nagagawa nila gamit ang telebisyon. Sa gayon, mahihinuhang malaki ang papel na ginagampanan ng telebisyon hindi lamang sa kulturang Pilipino kundi pati na rin sa politikal na aspeto ng lipunan. Dahil telebisyon ang ginagamit na midyum ng mga politiko upang maisiwalat ang kanilang plataporma at malalaking plano para sa pagpapaunlad ng bansa, nabibigyang-pagkakataon ang madlang Pilipino na gumawa ng maalam na pagpili sa kung sino ang nararapat iluklok sa mga posisyon. Sa isang banda, nagiging positibo ang paggamit ng telebisyon sa politika bilang instrumento ng pagpapakilala ng sarili at ng hangarin para sa Pilipinas. Sa kabila namang dako, nagkakaroon din ng negatibong implikasyon ang papel ng telebisyon sa tuwing nagiging basehan ang kasikatan ng artista, at hindi ang tunay niyang kakayahan na mamuno, sa kanyang pagkakaluklok sa mahahalagang posisyon ng gobyerno.
|
Mula sa isa sa mga manunulat ng buksan noong 01:44 AM
|
Basta't Singkit ang Mata
ANG PAGKAHILIG NG PINOY SA ASIANOVELA
Ni Trixie Conlu
Isang lumang litrato ng sarili ang nakita ko kamakailan. Nakabaon ito sa maliit kong “baul”—isang kahong naglalaman ng mga luma kong gamit; mga diary, slum book at kung anu- ano pang memorabilya ng aking pagkabata. Nakaipit sa isa sa maliliit na talaan ko ang litratong hindi ko na maalalang kinuha pala. Nakatatawa at nakahihiya mang sabihin, sa litratong ito, nakasuot ako ng mahabang palda at puting kamiseta, may body bag na nakasukbit sa maliit kong katawan,at may tinta ng itim na bolpen sa isang kamay. Naalala ko bigla kung bakit ganito ang itsura ko sa larawang iyon. Paboritung-paborito ko nga pala si Shan Cai, ang bida sa palabas na Meteor Garden, noong nasa ika-apat na baitang ako ng elementarya.

Kahit ganoon na lamang katindi ang paghanga ko kay Shan Cai, hindi ko naman kaagad nagustuhan ang Meteor Garden. Tulad ng maraming Pilipino, lumaki ako na si Thalia ang bida ng primetime sa telebisyon, dahil sa mga sikat niyang telenovela tulad ng Rosalinda at Marimar. May pagsasalin ng wika mula Espanyol sa Tagalog upang maintindihan ng manonood na Pilipino ang mga kwentong halos pare-parehas lamang ang banghay. Mag-uumpisa ito sa isang mahirap at aping bida na kadalasa’y babae. Makikipagsapalaran siya sa hamon ng buhay at sa mga mapang-aping tao na pumapablibot sa kanya. Makikilala niya ang kanyang prinsipe: isang mayaman at makisig na lalaki na tatanggapin ang kanyang buong pagkatao. Hahadlang sa kanilang pag-iibigan ang mga kontrabida. Sa dulo, mamamatay ang kontrabida at magwawakas ang kwento sa isang kasalan sa simbahan. Bagamat tila iisa lang ang kwento ng mga ito, matagal pa ring sumubaybay ang Pilipino dito. Sinasabing bunga raw kasi ng pananakop ng Espanya sa Pilipinas at ng magkahawig nating kultura, ang pagiging lubos na popular ng Spanish at Mexican telenovelas noon. Subalit ang pagpapalabas ng Meteor Garden sa ABS-CBN noong 2004 ang naging hudyat ng pagwawakas ng lubos na kasikatan ng Spanish telenovelas sa bansa. At bagamat nagtaka ang marami at nanibago nang unang ipalabas ang bagong uri ng telenovela sa Pilipinas, patunay ang matataas na ratings sa tagumpay at kasikatan ng nasabing isa sa mga unang Asianovelas na ipinalabas sa bansa.

Matapos ang malawakang pagtanggap ng tao sa Meteor Garden, nagsulputan na ang napakaraming telenovela ng ganitong uri. Apat na bansa sa Asya ang pinanggagalingan ng Asianovelas na ipinalalabas dito sa Pilipinas: Japan, Korea, Taiwan at China. Sa apat na ito, namamayagpag sa popularidad ang mga galing sa Korea. Ilan sa mga sumikat na Koreanovelas sa ABS-CBN ang Lovers in Paris, Only You, Princess Hours, Boys Over Flowers at My Girl. Halos wala naman nang sumikat na telenovela mula sa Taiwan matapos ang Meteor Garden, at kakaunti rin naman ang galing Japan at China; ilan dito ang Precious Times at West Side Story. Sa GMA naman, sikat ang The Yellow Handkerchief, Perfect Woman, Beautiful Life at Always the Two Of Us.1
Sa pagsikat ng mga Asianovelas, maitatanong natin ito sa ating sarili: bakit nga ba hayok na hayok ang Pilipino dito? Hindi naman tayo sinakop ng mga bansang pinanggagalingan ng mga ito, maliban sa Japan, at kahit pa, hindi rin naman masasabing magkahawig ang ating kultura.
Marahil higit na naging interesante para sa mga manonood ang banghay ng bawat Asianovela, kung kaya’t ganoon na lamang katindi ang pagsikat nito sa bansa. Bagamat naroon pa rin ang elemento ng mabuti laban sa masama, ng mayaman laban sa mahirap, naging kakaiba ang presentasyon ng mga ito kumpara sa Spanish telenovelas. Kung susuriin ang pinakatanyag na Asianovela na ipinalabas dito, ang Meteor Garden, makikitang iba ang bidang si Shan Cai sa mga kinagisnang bida sa Spanish telenovela. Bagamat mahirap siya, hindi siya katulad ni Rosalinda o ni Marimar na parang aping-api, at iyak na lamang nang iyak sa tuwing kinakalaban sila ng kontrabida. Nagkaroon ng bagong uri ng bidang babae sa katawan ni Shan Cai: matapang, palaban, at hindi nagpapagapi o nagsusunod-sunuran sa lalaki. Ito marahil ang isa rin sa mga dahilan kung bakit nagustuhan ng maraming babae ang Asianovelas kumpara sa Spanish telenovelas. Mayroong tila pagpapatatag ng identidad ng kababaihan sa ilang Asianovelas kung saan ipinakita sila bilang kapantay ng lalaki.
Bukod sa magkaibang katangian ng mga bida sa Spanish telenovela at Asianovelas, magkaiba rin ang mood at ang aura nito. Kapansin-pansing higit na magaan ang panonood ng Asianovelas, dahil bawas na ang madadramang eksena: ang sampal ng kontrabida sa bida, ang ubod ng daming eksena kung saan nag-iiyakan, ang komplikado at paikot-ikot na love triangle, at ang hindi inaasahang kakaibang pangyayari tulad ng biglang pagsabog ng gusali o biglang pagkahulog sa bangin na papatay kaagad sa kontrabida. Kapalit ng mga ito sa Asianovelas ay mga nakatatawang eksena, kaya naman higit na naging patok ito sa mga Pilipino, na kilala sa pagiging pala-ngiti at pala-tawa. Isa rin marahil sa mga nagustuhan natin, lalo na ng kabataan, ay ang napakaraming eksenang nakakikilig. Maraming ginagawa ang mga magkakatambal na artista na talaga namang nagbibigay ng ngiti sa mga manonood, tulad ng pagbibigay ng bulaklak ng gwapong bidang lalaki sa bidang babae o kaya’y ang pakikipagharutan ng magnobyo habang papalubog na ang araw. Ang maliliit na bagay na ito ang nagtulak sa mga manonood na subaybayan ang maraming Asianovelas.
Makikita natin sa maraming paraan ang epekto nitong pagkahilig ng mga Pinoy sa Asianovelas. Kung susuriin ang mismong ‘orihinal’ na mga palabas at pelikula natin, mapapansing nakakabit ito sa impluwensiya ng mga pandayuhang palabas na uso sa bawat panahon. Noong uso ang Spanish telenovelas na mabigat sa drama at iyakan, nariyan ang Mara Clara at Esperanza, dalawang teleserye na ginawan din ng bersyong pampelikula. Kahawig ng banghay ng dalawang kuwentong ito ang tipikal at madramang banghay ng Spanish telenovelas. Nang sumikat naman ang Asianovelas, nauso ang higit na magagaan at higit na katawa-tawang pelikula, o romantic comedies sa Ingles. Halimbawa nito ang mga pelikula ni Toni Gonzaga tulad ng My Big Love at You Changed My Life. Higit na magaan ang kwento ng mga ito at maihahalintulad sila sa mga Asianovelas. Bukod diyan, uso na rin ngayon ang adaptations. Sa ABS-CBN, nagkaroon na ng mga Pinoy na bersyon ng mga sikat na Koreanovela tulad ng My Girl at Lovers in Paris.
Hindi lang sa telebisyong Pilipino makikita ang epekto ng Asianovelas. Sa mismong kulturang popular ng ating bansa ay nababakas din ang pagkahilig natin sa mga ito. Mapapansing uso na ngayon ang tinatawag na K-Pop o Korean Pop, na tumutukoy sa musikang popular sa Korea. Sikat na sikat dito ang Wonder Girls, isang all-girl singing group mula Korea na kumanta ng Nobody But You na halos gasgas na sa kasikatan. Nariyan din ang bandang boy band na Super Junior. Ang album nilang “Sorry, Sorry” ay bumenta sa Pilipinas, at nasa Top 25 Bestselling Albums List for 2009 ayon sa Universal Records Philippines.2 Nariyan din ang isa pang all-girl band na Girls Generation, galing din sa Korea. Namamayagpag sa kasalukuyang MYX Hit Chart ang dalawang bandang ito. Nakamit ng kantang “Oh!” ng Girls Generation ang #1, at nasa #2 naman ang “Sorry Sorry – Answer” ng Super Junior.3
 
Bukod pa sa impluwensiya sa ng Asianovelas sa kinahihiligang musika ng Pinoy, masasabi kong may naidulot din itong pagbabago sa nagiging usong ayos ng buhok at pananamit ng Pilipino. Sa mga lalaki, uso na ngayon ang pagpapahaba ng buhok hanggang baba, ang pagkakaroon ng side bangs, pati ang pagpapakulay ng matingkad na brown at minsan pa’y kahel. Uso na rin sa mga lalaki ang pagsuot ngayon ng masisikip at makukulay na pantalon, makukulay na dyaket, malalaking sapatos, at masisikip na V-neck t-shirt. Kung babae naman at mahaba ang buhok, uso ngayon sa Pilipinas ang pagpapakulot dahil uso rin ito sa mga Koreano at Intsik, na mahilig magpakulot upang magkaroon ng hugis ang maninipis ang kanilang buhok. Uso rin ang pagpapagupit ng maikli, ang estilo ng pagpapagupit na hindi pantay-pantay, at ang pagpapakulay rin nito. Sa damit naman, mahilig ngayon ang mga Pilipina sa masisikip na pantalon o kaya’y leggings, na tineternohan ng maluluwag, maninipis at makukulay na t-shirt.
Patunay ang lahat ng mga obserbasyong ito kung gaano kalakas ang impluwensiya ng panonood ng telebisyon sa kulturang popular ng Pilipinas. Dahil sa mga usong palabas noon at usong palabas ngayon, nakikita ang ebolusyon ng ating pagtatangi, at ang dulot ng pagtatanging ito sa mismong ebolusyon ng kultura at identidad natin. Kung titingnan, masasabi kong positibo naman ang nagiging epekto sa atin ng pagbabago ng hilig nating panoorin. Sa tingin ko, sa pagbubukas ng ating isipan sa iba pang anyo ng teleserye, o ang paglihis natin mula sa pagkahilig sa Spanish telenovelas patungo sa Asianovelas, nagbabakas ng paghahanap natin ng panibagong lasa at karanasan sa ating napapanood. At dahil malaki nga ang nagiging impluwensiya ng panonood ng telebisyon sa ating kultura, nararamdaman natin ngayon ang isang pagbabago, pagpapayabong, at pagpapayaman pa ng makulay na nating kultura.
______________________________________________________________________
1“GMA Asianovelas: The Heart of Asia,” Pinoy Exchange Forums, http://www.pinoyexchange.com/forums/showthread.php?t=264974 (accessed March 26, 2010).
2Jonathan Hicap. “Super Junior's Album Popular in the Philippines.” The Korea Times Special. http://www.koreatimes.co.kr/www/news/special/2010/01/178_58747.html (accessed March 26, 2010).
3“MYX International Top 20 Mar. 20-Mar. 26, 2009,” Myx-Your Choice. Your Music., http://www.myxph.com/tabid/363/MYXCharts.aspx (accessed March 26, 2010).
|
Mula sa isa sa mga manunulat ng buksan noong 01:06 AM
|